![]() |
Buto ng Mahogany na natanggap ko noong Pasko. |
Matagal ko nang gusto nang magtanim ng puno.
Tatanggapin ko ang kahit na anong buto.
Matagal ko itong hiniling hanggang sa may magregalo.
Lubos ang galak ko nang ito ay matamo.
Itinuro sa akin ni Ama kung paano ito itanim,
Nakatayo dapat ang buto, 'wag patumbahin.
Ganun ang ginawa ko, 'yon ang aking hangarin,
At inilagay ko ang buto sa lupa...sa ilalim!
Puno ng pagmamahal, dinilig ko ito araw-araw.
Naghintay nang naghintay na supling ay lumitaw.
Pero bakit ganun, wala akong kahit isang natanaw,
Wala kahit isa sa bawat pagsikat ng araw.
Lumapit ako at nagtanong sa aking mahal na Ama.
"Paano mo ba itinanim ang Mahogany?", tanong niya.
"Ganito dapat 'yon, o", dagdag pa niya.
Habang ipinapakita niya sa akin kung paano ito dapat ginawa.
Akala ko tama ang ginawa kong pagtatanim.
Akala ko nasunod ko ang lahat ng kanyang mga bilin.
Mabuti naman ang aking hangarin,
Pero hindi ko pala dapat inilagay ang buong buto sa ilalim.
Sa parehong paso inilagak ang bagong buto.
Tinanggap kong mali ang paraan ng pagtatanim ko.
Pareho kong nadiligan ang mga buto sa paso.
Pero ang tanim ni Ama ang siyang tumubo.
Hindi ko ito masyadong napansin noon
Tawag ni Ama'y 'di ko agad nabigyang tugon
Sa ulan sa kwarto, ako noo'y doon nakatuon
Pero salamat sa Diyos, ang tanim ay buhay pa hanggang ngayon.
Kapag naalala ko ito, nabubuhay din ang loob ko.
Alam kong may pag-asa basta andyan ang Ama ko.
Dahil kasabay ng pag-ulan noon sa aking kwarto,
Ang itinanim ni Ama ay tumubo.
Isa itong paalala na sa ating Amang Diyos ay magtiwala
Minsan akala natin alam na natin, pero hindi pa pala.
'Wag tayong mahiyang lumapit at magtanong sa Kanya
Siguradong tutulong Siya at tutubo ang pag-asa.
(Ipapakita ko sa inyo ang larawan ng aming tanim sa tamang panahon. ;) )